Mali ang pinalalabas ng komentaristang si Manuel “Boy” Mejorada sa kanyang Facebook video na umatras si Noli de Castro sa pagtakbo sa Senado dahil nagpahayag ng pagtakbo sa pagka-pangulo si Leni Robredo.

Screenshot ng Facebook video ni Manuel Mejorada noong Okt. 14, 2021.

CLAIM: Biglang umatras si Noli de Castro sa pagtakbo sa Senado dahil nagpahayag ng kandidatura ni Robredo sa pagkapangulo
RATING: FALSE

Mali ang tinuran ni Manuel “Boy” Mejorada sa kanyang komentaryo sa Facebook kung saan sinabi niyang biglang umatras ang TV Patrol anchor na si Noli de Castro sa pagtakbo sa Senado matapos ang “last-minute” na pahayag ni Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo na tatakbo siya sa pagkapangulo.

Aniya:

“Nag-change tune si Kabayan Noli de Castro at binawi ang kanyang COC, hindi na siya tatakbo under kay Ka Isko … may mga resident analyst ako e, na sila ‘yung kumokolekta ng intelligence at ipinapaliwanag sa’kin, ‘Boss, Sir, ito ‘yung ibig sabihin niyan. E sabi niya, tignan mo sir ito, biglang nagtalikod si Kabayan dyan kay Ka Isko.’ Ano ba ibig sabihin nito. Ay, nagpalit din ng desisyon ang ABS-CBN, ang mga Lopez, ang mga oligarko. ‘Dahil tumatakbo ngayon si Leni Robredo, ay aba, kailangan nilang panindigan si Leni Robredo, kailangan nilang patibayin ngayon ang kampanya ni Leni Robredo. Kaya atras ka na muna. About-face, Kabayan Noli de Castro, dito na tayo kay Leni Robredo.’”

Komentaryo at analysis ang programa ni Mejorada sa Facebook ngunit hinahaluan niya ito ng mga diumano’y totoong kwento. Lumitaw pa nga ang mga salitang “inside story” sa video niya sa Facebook, na pinanood na ng isang milyong beses at na-share na ng mahigit 2,800 users.

Noong Okt. 14, ibinahagi niya ang diumano’y totoong dahilan kung bakit biglang umatras si de Castro sa pagtakbo sa Senado sa ilalim ng Partido Aksyon Demokratiko ni Isko Moreno, ang dating alkalde ng Maynila. Si de Castro ay matagal nang anchor ng TV Patrol at may programa rin sa Teleradyo, kapwa sa ABS-CBN na nawalan ng prangkisa noong isang taon. Naging senador si de Castro noong 2001 at bise-presidente naman mula 2004 hanggang 2010 sa ilalim no Gloria Macapagal-Arroyo.

Umatras daw si Kabayan dahil tatakbo si Robredo sa pagkapangulo, at mas gusto daw itong suportahan ng ABS-CBN at ng pamilya Lopez na may-ari ng network, sa halip na si Moreno.

Malaya si Mejorada na magbahagi ng kanyang analysis, ngunit mali ang pagkakasunod-sunod niya sa mga pangyayari.

Naunang magpahayag ng pagtakbo si Robredo kay de Castro. Ibinalita pa nga ito ng TV Patrol noong Okt. 7 at naroon si de Castro sa mismong broadcast.

Noong araw na iyon, nanumpa si de Castro sa Aksyon Demokratiko sa harap ni Moreno at namaalam na sa TV Patrol at Teleradyo.

Kinabukasan, nag-file si de Castro ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbo sa pagka-senador.

Samakatuwid, alam na ni de Castro at ABS-CBN na tatakbo si Robredo, dahil isang araw na naunang nag-file ng COC ang bise presidente.

Hindi ipinaliwanag ni Mejorada sa video ang pagkakabakigtad ng kanyang timeline. – Felipe F. Salvosa II

This fact-check was produced by PressOne.PH as part of a fact-checking grant from the Philippine Fact-Checker Incubator (PFCI) Project. The PFCI supports news organizations to allow them to meet global fact-checking standards under the International Fact-Checking Network’s Code of Principles. 

PressOne.PH believes that fact-checking is essential to combating misinformation and disinformation, and in informing and educating citizens and voters. Read more of PressOne.PH’s Fact-Checking Policy by clicking here.

The public is welcome to send feedback or requests for fact-checks at news@pressone.ph.