Sa isang videong kumakalat ngayon sa social media, makikita ang isang senior citizen na nagbibintang kay Kris Aquino na nagsuot daw ng alahas na nabawi ng pamahalaan mula sa dating first lady Imelda Marcos.

PAHAYAG: Ginamit ni Kris Aquino ang mga nabawing alahas mula kay Imelda Marcos.

MARKA: HINDI TOTOO


Sa isang video na ngayo’y kumakalat sa social media, maririnig mula sa isang matandang lalaki ang paratang na ang mga damit, sapatos at alahas umano ng dating diktador Ferdinand Marcos Sr. at ng kaniyang asawa na si Imelda Marcos ay umano’y ninakaw daw sa kanila. Bintang pa nito, isa daw sa mga alahas ni Imelda ay nakita pang suot ng artistang si Kris Aquino. 

Narito ang kaniyang mismong pahayag:

Ninakaw ang mga alahas, ninakaw ang mga barong tagalog, sapatos, pantalon…mga damit ni Imelda Marcos ninakaw…kanino nakita ‘yung kwintas ni Imelda Marcos?  Hindi ba kay Kris Aquino? Yun lang…Buksan niyo ang inyong mga isipan at inyong mga mata na ang kwintas ni Imelda Marcos ay nakita kay Kris Aquino na suot-suot niya.”

Paniwala pa nito, kun’di daw dahil sa social media, ang ‘katotohanan’ tungkol sa mga umano’y krimen na ginawa ng mga Aquino laban sa mga Marcos ay hindi daw mailalantad.

WALANG KATOTOHANAN sa mga pahayag na ito.

Nang lumisan ang pamilya Marcos sa Pilipinas noong umaga ng ika-25 ng Pebrero, 1986, iniwan nila sa Malacañang ang ilan sa kanilang mga damit, bag, sapatos at mga alahas.

Sa isang ulat na inilabas ng New York Times noong Marso ng 1986, ibinalita nila na tinatayang $5 milyon hanggang $10 milyon ang halaga ng mga alahas na tinangkang ipuslit ng mga Marcos sa Hawaii. Ang lahat ng mga alahas na ito ay kinumpiska ng US Customs at isinauli sa Pilipinas.

Ani pa ni Catherine Treywick ng Foreign Policy, nang lisanin ni Imelda ang palasyo noong 1986, iniwan pa daw nito ang isang safe na may lamang mga freshwater pearls, isang kaha ng mga mga turkesang kuwintas na halos kasing laki ng isang grocery carton, maliliit na puno na inukit mula sa semiprecious stones, daan-daang piraso ng mga ginintuang alahas at gold coins na naiulat na nasa $50,000 ang halaga.

(“When Imelda fled Malacañang Palace with her husband in 1986, she left behind a personal safe filled with “freshwater pearls, a grocery-size carton of beaded turquoise necklaces, miniature standing trees carved out of semiprecious stones, hundreds of pieces of gold jewelry, and a reported $50,000 worth of gold coins.”) 

Kasama din daw diyan ang libu-libong mga mamahaling sapatos, mga mamahaling bestida at limang istante ng mga mamahaling bag.

Hindi ninakaw mula sa mga Marcos ang mga alahas tulad nang pagbintang ng matandang lalaki sa naturang video.

Pero masasabi nga bang ginamit ni Kris Aquino ang kuwintas ng asawa ng dating diktador?

Ito man ay HINDI DIN TOTOO.

Sa ulat na nilabas ng Philstar.com noong 2015, sinabi ni Presidential Commission on Good Governance (PCGG) Commissioner Andrew de Castro na ang nakitang suot na kuwintas ni Aquino at ang kuwintas ni Imelda ay talagang magkaiba.

Dagdag pa ni de Castro, dahil nasa isang high-security vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang naturang kuwintas, walang paraan para makuha ito ni Aquino.

“Imposibleng nakuha iyon mula sa Central Bank vault at naisauli para umabot sa aming appraisal sa sumunod na linggo,” dagdag pa nito.

(“It’s impossible to have been taken from the Central Bank vault and returned just in time for our appraisal the week after.”)

Pinasinungalingan na din ng Vera Files at Rappler ang maling paratang na ito.

Naglabas na din ng babala si dating chief justice Maria Lourdes Sereno sa mga nagpapakalat ng kasinungalingan na sinuot daw ni Aquino ang alahas ni Imelda ay maaaring sampahan ng kasong kriminal.

“Criminal case na po ang maaaring harapin niyo sa pagbibintang na ginamit ni Kris Aquino ang alahas ni Imelda na ayon sa Supreme Court ay galing sa nakaw na yaman. Bangko Sentral ng Pilipinas at PCGG na po ang nagsabing imposible ito,” ani ni Sereno sa isang Facebook post.

 

PressOne.PH is part of #FactsFirstPH which brings together various sectors that are committed to promoting truth in the public space, and exacting accountability on those who harm it with lies. For those interested to join the initiative, email info@factsfirst.ph

PressOne.PH has adopted Facebook’s ratings options for third-party fact checkers and is working toward accreditation with the International Fact-Checking Network (IFCN).

See our fact-checking policy here.