Lalong di-kapanipaniwala ang kwento dahil itinabi kay Marcos ang kilalang larawan ni Gregorio Aglipay, isa sa mga tagapagtatag ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), at sinabing ito ay si ‘Fr. Jose Antonio Diaz.’

PINEKE: Kilalang larawan ni Gregorio Aglipay (kanan), unang pinuno ng Iglesia Filipina Independiente, ang idinikit sa imahe ng diktador na si Ferdinand Marcos (kaliwa) at pinalabas na ito ay ang paring si ‘Jose Antonio Diaz.’

ANG SINABI: Naging pinakamayayaman sa mundo si Ferdinand Marcos at ang paring si ‘Father Jose Antonio Diaz’ dahil naka-komisyon sila, diumano, sa gintong inutang ng Vatican sa isang napakayamang pamilya sa Pilipinas.

HATOL: MALI

 

Ilang ulit nang napatunayan (halimbawa, dito, dito, at dito) na panloloko lamang ang mga kwentong galing ang pera ng pamilya Marcos sa isang napakayamang pamilya na nagmay-ari umano sa buong Pilipinas noong unang panahon. Gawa-gawa lamang ang istoryang naging abogado ng pamilya Tallano si Ferdinand Marcos – walang kahit anong tala ng sinasabing maharlikang pamilya sa kasaysayan ng bansa. Ngunit lumitaw na naman ang imbentong kwentong ito sa Facebook ngayong papalapit na ang halalan sa 2022, kung saan tumatakbo sa pagka-pangulo ang anak ng diktador, si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa post ng Facebook page na “Marcos defender 2022,” ito ang hinabing kwento: umutang daw ang Papa sa Roma ng 640,000 metriko toneladang ginto mula sa pamilya Tallano noong 1939 at inihatid daw ito sa Vatican kasama ang paring Katoliko na si Jose Antonio Diaz. Ibinalik naman ito ni Diaz matapos ang World War 2 at kinuha pang abogado si “Atty. Ferdinand Marcos” para matapos ang transaksyon. Dahil dito, nakakuha daw si Marcos at Diaz ng komisyon na 30% o 192,000 toneladang ginto mula sa mga Tallano.

Lalong di-kapanipaniwala ang kwento dahil itinabi kay Marcos ang kilalang larawan ni Gregorio Aglipay, isa sa mga tagapagtatag ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), at sinabing ito ay si “Fr. Jose Antonio Diaz.” Imposibleng iisang pari ang tinutukoy dahil namatay si Aglipay noong 1940 at ang sinasabing transaksyon ni Marcos at Diaz ay nangyari noong 1949. Isa pa, tumiwalag sa Simbahang Katoliko si Aglipay noong 1902 upang itatag ang IFI.

Saad pa sa gawa-gawang kasaysayan:

“Having gained the trust and confidence of Fr. Diaz, the Tallano clan made him the main negotiator and trustee of their gold. Fr. Diaz, in turn, hired the services of Atty. Ferdinand E. Marcos, then a highly recommended brilliant young lawyer having attained notoriety when he successfully defended himself in the ‘Nalundasan Case’ in 1939.

The Tallano clan paid commission to Fr. Diaz and Atty. Marcos in gold, 30% from the principal of 640,000 metric tons.

In 1949, the two richest men in the world were Fr. Jose Antonio Diaz and Atty. Ferdinand E. Marcos. Between the two of them they legitimately earned and owned 192,000 metric tons of gold.”

Ayon sa namayapang manunulat at historyador na si Bob Couttie, ginagamit ng mga Tallano ang panlolokong ito upang magkamkam ng mga lupain. Naging bahagi na rin ito ng istratehiya ng kampo ng mga Marcos upang kumbinsihin ang madla na mayaman talaga ang pamilya ng dating diktador at ‘di totoo na nagnakaw ng bilyun-bilyong piso sa kaban ng bayan.

Mismong Korte Suprema na ang nagsabing galing sa nakaw ang yaman ng mga Marcos, halimbawa sa hatol na ito noong 2003 kung saan binawi sa mga Marcos ang halagang $658 million. Nakaukit ito sa kasaysayan, ‘di gaya ng kwento ng ginto ni Marcos at Tallano na kathang-isip lamang. – Felipe F. Salvosa II

This fact-check was produced by PressOne.PH as part of a fact-checking grant from the Philippine Fact-Checker Incubator (PFCI) Project. The PFCI supports news organizations to allow them to meet global fact-checking standards under the International Fact-Checking Network’s Code of Principles. 

PressOne.PH believes that fact-checking is essential to combating misinformation and disinformation, and in informing and educating citizens and voters. Read more of PressOne.PH’s Fact-Checking Policy by clicking here.

The public is welcome to send feedback or requests for fact-checks at news@pressone.ph.