Nagpakalat diumano ng propaganda ang militar ng Amerika para siraan ang Sinovac vaccines at ang China noong 2020 habang desperado ang mga Pilipino na mabakunahan laban sa Covid-19 virus.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng Reuters matapos pag-aralan ng news agency ang 300 na pekeng accounts sa Twitter, ang social media site na kilala ngayon na X.
Nakausap din ng Reuters ang ilang retiradong miyembro ng US military na may alam sa propaganda campaign na sikreto diumanong pinakalat ng Pentagon sa internet noong kalagitnaan ng 2020 sa ilalim ni President Donald Trump, hanggang itigil ito noong 2021 sa administrasyon ni Joe Biden.
Patunay ito na sangkot din ang Amerika sa influence operations para siraan ang iba pang malalakas na bansa gaya ng China at Russia.
Matatandaang naging matindi ang bangayan sa pagitan ng China at Amerika sa kung sino ang may kasalanan sa pagkalat ng Covid-19 sa mundo.
Ayon sa Reuters, tinarget talaga ng Pentagon ang mga Pinoy sa disinformation campaign.
Nagpanggap na mga Pinoy ang fake Twitter accounts at nagpakalat ng paninira laban sa Made in China face masks, test kits, personal protective equipment, at kalaunan, sa Chinese vaccines gaya ng Sinovac.
Gamit nila ang hashtag na #ChinaAngVirus.
Sa labas ng bansa, nagpakalat din diumano ang Pentagon ng paninira laban sa Sinovac sa mga bansang Muslim, na may kasama raw itong pork gelatin, ayon sa Reuters.
Mababasa ang ulat ng Reuters dito. Felipe F. Salvosa II