Maling sinabi ng Facebook page na Vincentiments na nanood daw ng “Maid in Malacañang” mga Carmelite na madre mula sa Jaro, Iloilo

CLAIM: Carmelite nuns of Jaro, Iloilo nanood ng “Maid in Malacañang”

RATING: HINDI TOTOO


Kamakailang nagpost ang Facebook page ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap, ang Vincentiments, ng pahayag na nagsasabing may dalawang Carmelite na mga madre daw mula sa Jaro, Iloilo ang nanood ng kaniyang pelikulang “Maid in Malacañang.”

Ito ay HINDI TOTOO.

Mismong ang Carmelites of Jaro, Iloilo na ang nag-post sa kanilang official Facebook account na ang mga madre sa litrato ay hindi kabilang sa kanilang grupo at hindi din daw sila mga miyembro ng Carmelite Order.

Idiniin rin ng mga madre na hindi nila sinusuportahan ang pagbabaliko ng katotohanan, fake news, at mga tao na ginagamit sila para sa pansariling mga dahilan. (“We do not support any distortion of Truths, fake news and people who are using us for their own gain.”)

 

 

Ang Discalced Carmelites of Jaro, tulad ng Discalced Carmelites of Cebu, ay mga cloistered nuns na hindi lumalabas ng monasteryo upang manood ng mga pelikula. 

Iilan lang ang maaaring lumabas ng monasteryo, katulad ng priyora (ang nakakataas sa kanilang monasteryo) at ang mga extern sisters na “engaged in the external service of the monastery in order to allow the cloistered nuns to maintain an entirely contemplative way of life.” 

Alinsunod sa Article 182 ng Constitution of the Discalced Carmelites, ang mga extern sisters lamang ang maaaring lumabas sa mga hangganan ng monasteryo upang maisakatuparan nila ang kanilang natatanging tungkulin na pagtatagpo sa mga “external requirements of the monastery” tulad ng pagbayad ng buwis, pagbili ng pagkain at pangangailang, at iba pang katulad na gawain.

Sa isang Facebook post, kinilala ng Iloilo Metropolitan Times ang dalawang madre sa litrato, na may suot na brown habits, bilang mga miyembro ng Missionaries of St. Therese (MST) of the Child Jesus (MST) sa Pavia, ang mismong bayan kung saan nakatalaga ang naturang news organization.

Nauna na ring kinondena ng mga Carmelites ng Cebu ang pelikula sa paglalarawan sa mga madre na nakikipaglaro ng mahjong sa isang babaeng nakadilaw, na tumutukoy sa yumaong personalidad ng demokrasya, si dating Pangulong Cory Aquino.

Ang mga monastikong madre ay hindi naglalaro ng mahjong bilang isang uri ng libangan. Itinanggi rin ng mga madre na nakikipaglaro sila ng mahjong kay Aquino nang sumilong ito sa kanilang monasteryo noong 1986 EDSA People Power Revolution.

Si Cebu Gov. Gwen Garcia, na may ina na madalas na pumunta sa monasteryo ng mga Carmelite upang manalangin, at ang Conference of Major Superiors sa Pilipinas, ay naglabas din ng suporta sa mga madre. – Rommel F. Lopez (Translated by Jessie Rival)

 

PressOne.PH is part of #FactsFirstPH which brings together various sectors that are committed to promoting truth in the public space, and exacting accountability on those who harm it with lies. For those interested to join the initiative, email info@factsfirst.ph

PressOne.PH has adopted Facebook’s ratings options for third-party fact checkers and is working toward accreditation with the International Fact-Checking Network (IFCN).

See our fact-checking policy here.