Naglabas ang Journal News ng storya na tumatayo daw bilang tagapayo ng bise presidente at kandidato sa pagkapangulo na si Leni Robredo ang CPP founder na si Joma Sison.

PAHAYAG: Umamin si Joma Sison at ang Communist Party of the Philippines na tagapayo sila sa kampaniya ni VP Leni Robredo para sa pagka-pangulo

HATOL: HINDI TOTOO


Nitong nakaraang Abril 21, naglabas ang Journal News ng isang storya na nagsasabing umamin daw si Communist Party of the Philippines (CPP) founder at kasalukuyang chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Joma Sison na tagapayo daw siya ni bise presidente Leni Robredo at ng tagapagsalita nitong si Atty. Barry Gutierrez.

Nagbigay din ang naturang storya na inakda ng isang nagngangalang Lee Ann P. Ducusin ng mga pahayag daw ni Sison na nanggaling sa Ang Bayan, opisyal na lathalain ng CPP, na nagkukumpirma ‘di umano sa impluwensya ng CPP sa kampaniya ni Robredo.

Ayon pa sa naturang balita, isang “intelligence officer” daw ang nagbahagi ng “tactical intel report” sa Journal News na nagbababala na si Gutierrez daw ay dawit sa lokal na makinarya ng CPP na mahalaga daw sa diyalogo sa pagitan ni Robredo at Sison.

Ang naturang storya ay shinare na rin ni sen. Panfilo “Ping” Lacson sa isang tweet na may pasaring sa kampo nina Robredo na kung ganoon na lamang daw ba ka desperado silang manalo. Umere na din ang storyang ito sa telebisyon sa primetime news broadcast ng Net25 na “Mata ng Agila.”

ANG KATOTOHANAN:

Sa isang pahayag na nilabas noong Abril 22, kinondena ni Sison ang storya ng Journal News at tinawag itong “fake news.”

Paliwanag pa nito, ni minsan ay hindi daw niya pinayuhan si Robredo at Gutierrez. Ani pa nito, hindi din daw siya nakapanayam ng Journal News.

Sa isang tweet, tinawag naman ng Chief Information Officer ng CPP na si Marco Valbuena sa isang tweet ang naturang storya na pawang kathang isip na nagpapanggap bilang balita. 

Nilinaw nito na hindi naglabas ang Ang Bayan ng kahit anong storya na nagbibigay suporta kay Robredo. Binansagan din ni Valbuena na basura ang storya ng Journal News.

Ani naman ni Gutierrez, ang naturang storya daw ng Journal News ay isang “absolute lie.”

Inilabas ng Journal News at Net25 ang naturang balita kasabay ng serye ng mga disimpormasyon na sumubok magdawit kay Robredo at ilang pang mga personalidad mula sa oposisyon sa mga komunista. Ilang mga fact-check articles na din mula sa #FactsFirstPH ang nagpabulaanan na sa mga paratang nito.

Marapat ding banggitin na hindi ito ang unang pagkakataon na may sinulat si Ducusin na ganitong klaseng storya. Makalinang beses na ding naglabas ng katulad na istorya ang naturang akda na may red-tagging at red scare na gumagamit ng mga pahayag na walang patunay at mga source na kahina-hinala.

Ang Journal News, kasama ng mga pahayagan nitong People’s Journal, People’s Tonight at Women’s Journal, ay nasa ilalim ng Philippine Journalists Inc. na pagmamay-ari naman ni Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez na pinsan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kalaban ni Robredo sa pagkapangulo.

Bakit ito importante:

Hindi ito ang unang beses na idinawit si VP Robredo sa mga komunista para mabahiran ang kaniyang kandidatura sa pagkapangulo. Habang makailang beses na ding pinabulaanan ng kampo ni Robredo ang mga paratang na ito, marami paring mga ganitong bintang ang patuloy na sumusulpot nang walang basehan. (Vivian Vera, Altermideya / Pagsasalin ni Nikko Balbedina.)

Basahin ang orihinal na bersyon nito sa wikang Ingles.

 

PressOne.PH is part of #FactsFirstPH which brings together various sectors that are committed to promoting truth in the public space, and exacting accountability on those who harm it with lies. For those interested to join the initiative, email info@factsfirst.ph

PressOne.PH has adopted Facebook’s ratings options for third-party fact checkers and is working toward accreditation with the International Fact-Checking Network (IFCN).

See our fact-checking policy here.