Panahon ng Martial Law nang pirmahan ng diktador Ferdinand Marcos ang Labor Code, kung saan inilagay sa batas ang contractualization.

Rating: Mali

Umpisa pa lang ay mali na agad ang pro-Marcos Tiktok video na kumakalat sa Facebook, nang sabihin nito na nagsimula ang contractualization sa panahon ni Cory Aquino at walang ganito noong panahon ng diktador.

Hindi na bago ito– na-fact-check na sa Rappler at Vera Files ang maling impormasyong ikinakalat ng mga loyalista ni Marcos tungkol sa pinagmulan ng batas sa contractualization.

Ang katotohanan, pinirmahan ni Ferdinand Marcos ang Labor Code, o Presidential Decree (PD) 442, noong 1974, dalawang taon mula nang isailalim niya ang Pilipinas sa Martial Law.

Walang ang impormasyong ito sa video na ipinost sa Facebook page na “Van Speaks” noong Oct. 26. Umani na ito ng mahigit 4,800 na komento at na-share na ng mahigit 63,000 users.

Marami pang kamalian sa video (na nagmula sa Tiktok account na @bbm_52022), ngunit uunahin natin ang isyu ng contractualization.

Sabi sa simula ng video:

“Noong panahon ni Marcos walang contractual employee pero noong pag-upo ni Cory ipinasa niya ang bill para magkaroon ng contractual employee, nakakaawa kase ang mga construction workers at ang mga nagtatrabaho sa mga malls na hindi man lang na re-regular.”

Mali ang video dahil sa panahon ni Marcos unang nailagay sa batas ang pagkakaroon ng mga contractual na manggagawa. Makikita ito sa Article 106 hanggang 109 ng PD 442.

Sa Article 106, pinayagan ang ibat-ibang uri ng contracting at sub-contracting, maliban sa “labor-only contracting” kung saan ginagawa ng mga maliliit na contractor ang trabahong direktang may kinalaman sa negosyo.

Binanggit naman sa Article 107 ang mga “independent contractor” na maaaring kunin para sa anumang trabaho o proyekto ng isang ahensya basta’t hindi ito ang direktang employer.

Parehong may pananagutan ang direct at indirect employer kung may paglabag sa Labor Code, ayon naman sa Article 109. Sa Article 108, may bond pa nga na maaaring ipataw para pagkunan ng sahod ng mga contractual na manggagawa kung ‘di sila bayaran ng contractor o subcontractor.

Kaya’t hindi totoo na walang contractual na manggagawa sa panahon ni Marcos. Siya pa nga ang nagbasbas dito.

This fact-check was produced by PressOne.PH as part of a fact-checking grant from the Philippine Fact-Checker Incubator (PFCI) Project. The PFCI supports news organizations to allow them to meet global fact-checking standards under the International Fact-Checking Network’s Code of Principles. 

PressOne.PH believes that fact-checking is essential to combating misinformation and disinformation, and in informing and educating citizens and voters. Read more of PressOne.PH’s Fact-Checking Policy by clicking here.

The public is welcome to send feedback or requests for fact-checks at news@pressone.ph.