Nathan Melican
#PHProtectProject
Noong March 7, 2024, nag-post ang China Radio International (CRI) Filipino Service ng isang video sa kanilang YouTube channel na pinamagatang “CPPCC, napakahalaga para sa mga mamamayang Tsino.”
Sa video, makikita si Peninah Karibe at Wu Bin na news anchor at reporter ng China Global Television Network (CGTN, ang international TV broadcaster na kontrolado ng gobyernong Tsina), na ine-explain ang Chinese People’s Political Consultative Conference (CPPCC) gamit ang matatas na Filipino.
Actually, hindi naman talaga sila matatas magsalita ng Filipino. Matapos ang ilang minutong paghahanap sa internet, nakita namin ang orihinal na video sa CGTN website, kung saan mapapanood si Karibe at Wu na nagsasalita ng English, at ang iba pang kasama sa video ay nagsasalita ng Chinese.
Pano nangyari na may Filipino version ang video? Makikita ang sagot sa video mismo ng CRI Filipino Service: ang text na nagsasabing “AI-generated video” sa itaas na kanang bahagi nito. Isa ito sa mga unang video na ginamitan ng artificial intelligence (AI) na pinost ng CRI Filipino Service ngayong taon.
Ngunit paano nga ba nagagawa ito ng AI?
AI at generative AI sa madaling salita
Una sa lahat, ang AI or artificial intelligence ay ang katangian ng mga computer na magpakita ng intelligence o talino na animo’y katulad ng pinapakita din ng mga tao.
Matagal nang malawakang ginagamit ang artificial intelligence, at makikita ito sa maraming bagay. Kapag nag-Google ka, ang mga pinapakita nitong resulta ay ginamitan ng AI para malaman kung ano ang pinaka-angkop na ipakita sa iyo. Kapag nag-browse ka sa Facebook, ang laman ng iyong news feed ay na-generate gamit ang AI, na tumitingin kung ano ang mga ni-like or shinare mong mga post at content.
Ngunit ngayon, mas naging sikat ang AI dahil sa kakayahan nitong makipag usap o chat sa mga tao, at higit sa lahat, ang kakayahan nitong mag-generate ng tila ba orihinal na content, tulad ng text, mga litrato, audio, at maging video. Ito ang tinatawag na generative AI, at ito ang dahilan kung bakit mayroon nang mga produkto sa internet tulad ng ChatGPT, Google Gemini, at marami pang iba.
Nakasalalay ang tagumpay ng generative AI sa tinatawag na machine learning, kung saan tinuturuan ang isang computer program (maari nating sabihing app, pero ang tamang termino ay “machine learning model”) para makakita ng mga pattern sa impormasyon na pwede nitong gamitin upang hulaan ang output para sa isang bagay.
Makikita ito sa social media, kung saan binabantayan ng social media network ang bawat galaw mo–ano ang pinost mo, mga videong pinanood, mga litratong ni-like, ang mga shinare mo na post, at marami pang iba. Kung puro tungkol sa kotse ang content na pinupusuan mo, makakaasa kang marami pang content na tungkol sa kotse–kasama na ang mag advertisements para sa mga pinakamagandang kotse–ang makikita mo sa susunod.
Ang isa pang konsepto na ginagamit sa pagte-train ng mga machine learning models ay ang konsepto ng neural networks, na ipinattern sa utak ng mga tao. Ang ating utak ay naglalaman ng napakaraming neurons, na nagre-react sa bawat maobserbahan nito sa ating kapaligiran. Halimbawa, kung nailagay mo ang daliri mo sa mainit na kaserola, ang init na naramdaman ng balat mo ay maipapasa bilang mensahe sa mga neurons na ito, at ito ay aabot sa utak, na siya namang magu-utos sa iyong daliri na ilayo agad ang kamay sa mainit na kaserola.
Sa mga computers, ang behavior ng neural networks ay nagagaya sa pamamagitan ng komplikadong math. Sa tulong ng mga ito, mas mabilis na natututo ang model na manghula o magbigay ng angkop na output or content depende sa ibibigay na utos o prompt.
Upang mailunsad ang mga generative AI na produkto tulad ng ChatGPT, kailangan ng napakaraming impormasyon o data para ma-train ang model o utak sa likod nito. Ayon sa OpenAI, ang kumpanyang may ari ng ChatGPT, umabot sa 45 terabytes ng data ang ginamit para ma-train ng maayos ang serbisyong ito–katumbas ng 47 milyong libro, o 4.4 million na kanta, o humigit kumulang 10,000 na pelikula.
Matapos ma-train ang isang generative AI model, pwede itong gamitin upang lumikha ng iba’t ibang bagay, depende sa kung ano ang iuutos mo dito–ang tinatawag na prompt. Depende din sa training nito, maaari itong makaintindi ng iba’t ibang lengwahe, katulad ng ChatGPT, na nakakaintindi ng Filipino.
Gamit ng generative AI
Dahil sa galing ng generative AI models at sa lawak ng kanilang impromasyong nakalap, maraming pwedeng paggamitan ang mga ito.
Una sa lahat ay ang mga chatbot at virtual assistant tulad ng ChatGPT, na nakakaintindi ng text prompts at sumasagot sa format ng isang chat. Pwede kang makipag-usap dito, at pwede mo rin itong sabihang gumawa ng mga kwento, blog, sanaysay, at anupaman ang kailangan mo. Bukod sa ChatGPT, iba pang halimbawa ng chatbots ang Google Gemini at ang Claude ng Anthropic.
May mga generative AI din na pwedeng mag-generate ng mga imahe o photo depende sa kung ano ang text prompt na ibibigay mo dito, tulad ng Stable Diffusion at Midjourney. Mayroon ding mga serbisyo na nakakapag-generate ng audio at video mula sa text prompts.
Pero higit sa lahat, mayroon ding mga models na nakakaintindi ng mga tunog, nakakakilatis ng mga bagay sa isang larawan o video, at marami pang iba. Pwede itong gamitin para i-transcribe o gawing text ang sinasabi sa isang recording, i-translate sa ibang lenggwahe ang naturang recording, at gumawa ng bagong video or audio recording kung saan kaboses at kawangis ng mga tao sa orihinal na recording ang laman ng bago, ngunit pwedeng nagsasalita na sila sa ibang lenggwahe o iba na ang sinasabi nila.
Maraming application ang generative AI na makakapagpadali ng trabaho hindi lamang ng mga mamamahayag, ngunit ng iba pang nagtatrabaho sa komunikasyon at maging sa ibang industriya.
Sa ganitong paraan tumatakbo ang mga generative AI tools na ginagamit ng CRI Filipino Service, CGTN, at iba pang sangay ng China Media Group na pinapatakbo din ng Chinese Communist Party, katulad ng Media Unlocked, ng pahayagan at website na China Daily.
Makikitang ginagamit ang generative AI para ma-translate ang kanilang mga video, at upang “tanggalin” ang kanilang Chinese accent sa ilang video. Sa ibang video naman, ginagamit ang AI para bumuo ng orihinal na animated video, katulad nitong video na pinost ng CRI Filipino Service.
Maraming magandang gamit ang generative AI, ngunit pwede din itong gamitin para mas lalong makakuha ng impluwensya, at mas malala pa, upang makapaghasik ng disinformation, katulad ng mga deepfake, kung saan ginagamit ang AI para bumuo ng bagong content na hindi talagang nangyari ang nilalaman nito.
Isang malaking halimbawa nito ang lumaganap na audio recording diumano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong Abril, kung saan ang isang boses na hawig nang kay Marcos ay tila nag-uutos sa Armed Forces of the Philippines na kumilos laban sa isang bansa.
Agad na dineny ng Malacañang na si Marcos ang nasa naturang recording at sinabi pa na walang ganoong direktiba ang pangulo. Hinahabol na ng gobyerno ang hinihinalang gumawa ng deepfake na ito.
Hindi lamang sa Pilipinas nangyayari ang mga ganito. Naging biktima na rin nito ang mga katulad ni US President Joe Biden, at may mga na-report na ring kaso ng deepfake sa United Kingdom at Taiwan.
Pwede din gamitin ang generative AI upang buhayin ang mga namatay na, katulad nang nangyari sa Indonesia, kung saan ang imahe ng diktador na si Suharto, ang ikalawang pangulo ng bansa na namatay noong 2008, ay ginamit sa isang deepfake upang hikayatin ang mga botante na lumahok sa halalan doon. Ang gumawa ng video ay mula sa isang partido na sumuporta sa dating heneral na si Prabowo Subianto, na siya ring nanalo sa eleksyon.
Kahit ang ilang mga mamamahayag ay naging biktima na rin ng mga deepfake. Maraming video sa social media ang nagkalat kung saan ang mga naturang mamamahayag sa TV ay nage-endorso ng mga produkto lingid sa kanilang kaalaman. Ilang biktima nito ay ang co-founder ng Rappler na si Maria Ressa, at ang dokumentaristang si Howie Severino.
Inaasahang lalo pang lalaganap ang mga deepfake na katulad nito pagtagal ng panahon. Wala namang masamang gumamit ng generative AI para mapadali ang paghatid ng mensahe sa mga tao, ngunit dapat malinaw na sinasabing ginamitan ang content ng generative AI.
Bilang mga tagabasa, tagapakinig, at tagapanood ng samu’t saring media content sa mainstream media, sa internet, o maging sa iba pang paraan, dapat maging mapanuri at marunong din na kumilatis kung totoo ba o deepfake ang content na nakikita natin.
PANOORIN: Paano minamanipula ang mga Pilipino?
Paano nga ba minamanipula ang kamalayan ng mga Pilipino para paniwalaan at suportahan ang mga ideya na kontra sa kanilang interes?
Sara Duterte-related content gets push from network of dubious Chinese X accounts
A network of suspicious Chinese-linked X (formerly Twitter) accounts has simultaneously posted similar content related to Vice President Sara Duterte, boosting social media engagement around her.
Chinese X accounts ‘temporarily banned’ from site following coordinated attack vs Marcos Jr.
Social media platform X (formerly Twitter) temporarily restricted a network of Chinese-linked accounts involved in coordinated attacks against President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. after his signing of landmark laws asserting Manila’s rights over the West Philippine Sea.